KALIBO, Aklan –– Idineklara ng Site Task Group Atifest 2026 sa isinagawang closing and awarding ceremony na naging maayos at ligtas ang Kalibo Sr. Sto. Niño Ati-Atihan Festival 2026 matapos na walang naitalang major untoward incident sa isang linggong pagdiriwang.
Ayon kay P/Col. Arpha Abul Kyr Salazar Macalangcom Jr., Deputy Regional Director for Operations ng Police Regional Office, pinaigting ang mga hakbang sa seguridad upang maprotektahan ang libu-libong dumalo, at matagumpay na napanatili ng pulisya ang kapayapaan at kaayusan sa buong selebrasyon.
Tinatayang nasa 250,000 katao ang dumalo sa mismong araw ng kapistahan.
Ikinasa ang malawakang security coverage sa tulong ng mahigit sa 3,200 na tauhan ng PNP, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, mga disaster response unit, at iba pang mga force multiplier na idineploy sa ilalim ng Site Task Group “AtiFest 2026.”
Nauna dito, sinabi ng PNP na nakatulong ang maagap na intelligence work, aktibong pakikipag-ugnayan sa mga posibleng manggulo, mahigpit na crowd control, at close coordination sa iba’t ibang ahensya upang mapigilan ang mga insidente bago pa man lumala ang mga ito.
Pinagtibay rin ang kahandaan sa emerhensiya sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga staging area, pag-activate ng isang joint operations center na may CCTV monitoring, at paglalagay ng mga women and children protection desk sa mga pangunahing lugar.
Samantala, pinuri ni P/Col. Macalangcom ang pulisya, mga katuwang na ahensya, lokal na pamahalaan ng Kalibo, at ang publiko sa kanilang pagtutulungan upang mapanatiling ligtas ang pagdiriwang.















