CEBU CITY – Handang isiwalat ng Chief Executive Officer (CEO) ng Shantal Investment Scheme na si John Rafael Revilla sa proper court ang mga nalalaman pa nito at ang totoong nangyari sa kanilang negosyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Criminal Investigation Detection Group (CIDG) 7 Chief Police Major Ronald Alan Tolosa, sinabi nitong handang harapin ni Revilla ang mga kahihinatnan sa naging operasyon ng naturang investment scheme.

Sinabi ni Police Major Tolosa na pumunta umano sa Cebu si Revilla dahil natatakot ito sa kanyang seguridad sa General Santos City matapos pinahinto ang kanilang operasyon.

Dagdag pa nito na inihayag ni Revilla na wala itong plano na palalaganapin pa ang kanilang negosyo sa Cebu dahil alam nitong may stoppage order sa kanilang investment scheme.

Samantalang pinabulaanan ni Revilla na dala nito ang malaking halaga ng pera mula sa mga investors.

Diumano’y ibinunyag din nito na may mismanagement na nangyari sa kanilang negosyo matapos na may personal interest na ang mga pinagkakatiwalaan
nitong kamag-anak.

Kaugnay nito, hinikayat ni Police Major Tolosa ang publiko lalong-lalo na ang mga Sugbuanon na naging biktima ng Shantal Investment Scheme na magsampa ng reklamo sa kanilang tanggapan para sa karagdagang kaso na isasampa laban kay Revilla.