ISANG BARANGAY TANOD SA NEGROS ORIENTAL, NASAWI MATAPOS PINAULANAN NG BALA ANG BAHAY NITO
Binawian ng buhay ang isang barangay tanod matapos pinaulanan ng bala ng hindi pa nakilalang mga suspek ang pamamahay nito sa Brgy. Tacpao, Guihulngan City Negros Oriental.
Nakilala ang biktima na si Ronaldo Jaculbe, 42-anyos at residente ng nabanggit na lugar.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Plt Jerome Delara, ang Deputy chief of Police ng Guihulngan City Police station, inihayag nito na kasama umano ng biktima ang kanyang pamilya sa loob ng bahay nang mangyari ang pamamaril.
Sinabi pa ni Delara na unang binaril si Jaculbe sa pamamagitan ng nakabukas na bintana hanggang sa natamaan ito sa parte ng kanyang tiyan.
Nagawa pa umanong gumapang ng biktima sa kabilang kwarto kung saan nagtatago ang kanyang pamilya, ngunit hindi umano tumigil ang mga suspek at sinundan pa ng pagpapaulan ng baril sa nasabing kwarto.
Ibinunyag pa nito na nasa 3-suspek ang sangkot, isang look-out at dalawang nagpaulan ng bala na hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin na pinaghahanap ng mga kapulisan.
Agad naman isinugod ang biktima sa pinakamalapit na hospital ngunit idineklara itong dead-on-arrival.
Base sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na wala umanong kahit anumang masamang record ang natala sa kanyang posisyon bilang tanod, at ito raw ay isang mabuting alagad ng barangay.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang malalimang imbestigasyon ng mga kapulisan upang bigyang hustisya ang karumaldumal na pagpatay sa nasabing tanod.
Nananawagan din ang mga ito sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbigay impormasyon at ituro ang kinaroroonan ng mga suspek upang malutas na ang naturang krimen.