Patuloy pa ring nananatili at pinagamit sa mga internally displaced persons(IDPs) na may special needs ang iilang mga silid-aralan sa isla ng Negros.
Ito’y sa kabila ng pagbubukas na ng pasukan noong Hunyo 16, kung saan una na ring ginamit itong pansamantalang tirahan ng mga evacuees na inilikas dulot ng aktibidad ng bulkang Kanlaon.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay OCD NIR Director Donato Sermeno III, ibinunyag nito na may mga IDPs pa ring nananatili sa mga silid-aralan na pinahihintulutan naman umano ng Department of Education.
Aniya, may mga ibinigay umanong konsiderasyon kabilang ang may mga special needs, mga matatanda na at mga may kapansanan.
Sinabi pa ni Sermeno na sa Canlaon City, mayroong dalawang classrooms sa isang paaralan ang ginamit para sa mga ito habang sa La Castellana ay may isang gusali na may 12 classrooms.
Kaugnay nito, natutugunan naman umano ng kagawaran sa pamamagitan ng pagkakaroon ng temporary learning stations para sa mga bata para makapagpatuloy pa rin ang mga ito sa kanilang pag-aaral.
Paglilinaw pa nito na hindi naman ginagamit ang mga naturang mga silid-aralan kaya pinayagan na gamitin ito ng mga IDPs.
Nauna na rin kasing inilipat sa mga sheltered tents ang mga evacuees para bigyang daan ang pagsisimula ng pasukan noong nakaraang buwan.
Samantala, binanggit pa nito na dahil sa pagpapalabas ng mga IDPS sa classrooms, sa kanyang huling bilang ay nasa 245 na ang bumalik sa kanilang tahanan ngunit ang mga ito pa umano ay nasa labas naman ng 6km Extended Danger Zone habang karamihan ay naiwan sa mga evacuation center na tinatayang nasa 1,800 pamilya.
Sa kasalukuyan, nananatili naman sa alert level 3 ang status ng bulkang Kanlaon.