Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagpapatuloy ng repatriation efforts para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Israel.
Ito ay sa kabila pa ng muling pagbabalik ng alert status doon sa alert level 2.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, patuloy na tutulungan ng ahensiya ang mga Pilipinong nais na umuwi ng bansa, gayundin ang mga nagnanais na manatili pa sa Israel at naghahandang bumalik na sa kanilang mga employer.
Sa ngayon, nananatili din aniyang bukas ang kanilang dalawang shelters sa Israel kung saan mayroong 50 na ang nadala dito at inaasahang hindi na ito madaragdagan pa sa gitna ng umiiral na ceasefire sa pagitan ng Israel at Iran.
Ayon naman kay DMW USec. felicitas Bay, nananatiling bukas para sa distressed OFWs ang apat na shelters na pinapatakbo ng gobyerno kabilang ang Migrant Workers Office shelter sa Tel Aviv.
Samantala, mayroong 31 Pilipino ang nakatakdang dumating sa bansa mula ngayong araw, July 2 hanggang sa Sabado, July 5.