Idinetalye ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac ang dahilan ng pagkawala ng dalawang overseas Filipino workers (OFWs) na sina Imee Pabuaya at Aleli Tibay na naunang napaulat na nawawala sa Hong Kong noong Oktubre 4.
Sa isang pulong balitaan ngayong Biyernes, Oktubre 17, inihayag ng kalihim na naligaw ang dalawa habang nagha-hiking sa Lung Mun Country Trail.
Ito ay base na rin aniya sa naging salaysay ng dalawang Pinay overseas worker matapos silang matagpuan at kasalukuyang ligtas na at nasa kustodiya ng Migrant Workers Office sa Hong Kong.
Sinabi din ni Sec. Cacdac na kumakalap pa sila ng karagdagang mga detalye kaugnay sa insidente at inaasahang magsusumite ang dalawa ng kanilang sinumpaang salaysay kaugnay sa nangyari sa kanila.
Samantala, kinumpirma din ng DMW chief na tinerminate na ng employer ng dalawang OFWs ang kanilang mga kontrata matapos mabigong bumalik mula sa kanilang day off, isang standard procedure sa ilalim ng labor regulations ng Hong Kong.
Subalit sa parte ng DMW, tinutulungan na niya nila ang dalawa na makuha ang kanilang mga gamit at nakikipag-ugnayan na rin sa dating employer ng dalawang Pinay worker.
Nakahanda rin ang DMW na asikasuhin ang agarang repatriation ng dalawa pabalik ng Pilipinas.
Kaugnay nito, pinalalahanan naman ni Sec. Cacdac ang mga OFW na mag-ingat sa outdoor activities at siguraduhing may koordinasyon at komunikasyon sa mga kakilala o opisina ng gobyerno bago umalis para makontak sakaling may emergency.