-- Advertisements --

Malabo pa sa ngayon ang pagsasagawa ng repatriation sa mga Pilipino sa gitna ng nagpapatuloy na labanan sa border ng Cambodia at Thailand, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Subalit, ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac nananatiling handa ang ahensiya sa posibleng repatriation dahil nasa 251 Pilipino ang nasa pitong lugar na malapit sa border na inaalalayan na ng gobyerno ng Pilipinas.

Aniya, ang mga Pilipino doon ay legal na nagtratrabaho sa Thailand gayundin ang mga guro at faculty supervisors sa Cambodia.

Inihayag din ng kalihim na makakabalik pa rin sa trabaho ang mga Pilipino roon sa oras na humupa na ang sitwasyon kayat hindi nakikita aniya na magkakaroon ng repatriation.

Sa ngayon, may ilang mga Pilipinong inilikas patungo sa evacuation centers habang ang iba pansamantalang nanunuluyan sa kanilang mga kaibigang Pilipino.

Sa kabutihang palad din, iniulat ni Sec. Cacdac na walang mga Pilipino ang napaulat na nasawi sa border conflict.