Nagbabala ng sanctions si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac sa shipowners at manning agency na mabibigong iulat ang pagdaan ng mga barkong lulan ang Filipino seafarers sa high risk, war-like areas gaya ng Red Sea o Gulf of Aden.
Ito ay sa gitna ng umiigting pa na insidente ng hijacking o armed violence laban sa mga barkong dumadaan sa naturang mga karagatan at sa nakapaligid dito.
Sa isang pulong balitaan, muling nanawagan ang kalihim sa mga shipowner at licensed manning agencies (LMAs) na iiwas ang kanilang mga barko na dumaan sa Red Sea at Gulf of Aden para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga Pilipinong seafarers alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kasunod din aniya ng kamakailang pag-atake ng Houthi rebels sa Red Sea na nakaapekto sa dalawang barko na MV Eternity C at MV Magic Seas na may sakay na mga Pilpinong tripulante, na nakaligtas mula sa pag-atake, muling ipinaalala ni Sec. Cacdac ang mahahalagang probisyon na nakapaloob sa Department Order No.1 Series of 2024 na naggagarantiya ng proteksiyon para sa mga Pinoy seafarers sa gitna ng mga pag-atake sa mga barko sa nasabing mga lagusan.
Ayon sa kalihim, hindi magdadalawang isip ang ahensiya na gumawa ng mabigat at legal na aksiyon laban sa mga magkokompormiso sa kaligtasan ng mga Pinoy seafarers.
Samantala, hinimok naman ng kalihim ang mga Pilipinong tripulante na i-exercise ang kanilang karapatang tumanggi na maglayag sa mga high-risk, war-like areas partikular na sa Red Sea at Gulf of Aden sa gitna ng mga panibagong pag-atake ng Houthi rebels sa naturang danger zone.
Ayon sa kalihim, may karapatan ang mga Pilipinong seafarers na maipaalam sa kanila ang kanilang mga ruta at posibleng panganib may kaugnayan sa kanilang paglalakbay.
Samantala, tiniyak naman ng DMW na masusi itong nakabantay sa mga development sa rehiyon at nakikipag-ugnayan sa concerned agencies para sa pagbibigay ng suporta sa mga seafarers na lulan ng barkong inatake ng Houthis at sa kanilang pamilya.