Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mga awtoridad sa Oman na nakatakda ng palayain ang 9 na Pinoy seafarers lulan ng M/V Eternity na binihag ng Houthi rebels sa Red Sea.
Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na nakatakdang ilipat ang mga Pilipinong tripulante mula sa Sana’a, Yemen patungong Muscat, Oman.
Ang pagpapalaya naman sa mga Pilipinong seafarers ay bunga ng mga pagsisikap ng Oman sa pakikipagtulungan kay DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro kasama ang kaniyang Omani counterpart, na personal na tinalakay ang dagok na kinakaharap ng mga tripulanteng Pilipino sa idinaos na bilateral meeting noong Hulyo at muling idinulog ang naturang usapin sa isang phone call nito lamang Nobiyembre.
Aaregluhin naman ng Embahada ng Pilipinas sa Muscat at Migrant Workers Office-Muscat ang ligtas at agarang pagbabalik ng mga Pilipino dito sa bansa.
Nagpahayag din ng sinserong pasasalamat ang Pilipinas sa Sultanate of Oman na naging daan para makalaya na ang mga binihag na tripulanteng Pilipino.
















