-- Advertisements --

Kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na 8 Pinoy seafarers na ang nasagip mula sa lumubog na MV Eternity C sa Red Sea matapos atakehin ng Houthi rebels noong Lunes, Hulyo 7.

Ito ay matapos na masagip ang karagdagan pang tatlong Pinoy seafarers kasunod ng limang naunang nailigtas.

Kaugnay nito, mahigpit na nakikipag-ugnayan na ang DMW sa shipowners at licensed manning agencies ng mga tripulanteng Pilipino para i-monitor ang nagpapatuloy na search and rescue operations sa pag-asang buhay pa ang natitirang seafarers.

Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensiya sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa pag-areglo ng repatriation ng mga Pilipinong seafarers at pagberipika ng mahahalagang developments sa insidente.

Samantala, patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng ahensiya sa pamilya ng mga apektadong seafarers at siniguro sa kanila ang pagbibigay ng lahat ng kaukulang tulong at suporta mula sa pamahalaan.

Inisyal ng napaulat na mula sa kabuuang 25 crew na sakay ng inatakeng cargo ship, 21 dito ay mga Pilipino. Nauna na kinumpirma na tatlong crew ang nasawi sa pag-atake, 15 ang napaulat na nawawala habang may ilan naman na kinidnap umano ng Houthi rebels.