Aminado ngayon ang lokal na pamahalaan ng Canlaon City na isang malaking hamon sa kanila ang aspetong pinansyal para sa mga responders na tumutugon sa pag-aalburoto ng bulkang Kanlaon.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Edna Lhou Masicampo, Public Information Officer ng Canlaon City, inihayag nito na 6 na buwan na ring nagsisikap ang mga responders mula pa noong Disyembre ng nakaraang taon hanggang ngayong Hunyo ngunit wala pa ring augmentation para sa kanila.
Ibinunyag pa ni Masicampo na hindi pa nabibigyan ng meal allowance ang mga ito mula noong buwan ng Marso hanggang sa kasalukuyan, kaya naman nahihirapan na ang lokal na pamahalaan sa pagtugon sa kanilang mga pangangailangan.
Aniya, humihingi na umano sila ng tulong mula sa Office of Civil Defense (OCD) kung maaari silang makapag-augment ng karagdagang responders sa lungsod na bihasa sa disaster management.
Dagdag pa nito, kailangan nila ng suporta upang patuloy na makapagbigay ng tulong sa mga evacuees at sa mga komunidad na una nang naapektuhan sa pag-aalburoto ng bulkang Kanlaon.
Sa kasalukuyan, may 750 pamilya o 2,450 indibidwal ang nasa 6 na paaralan at 4 na non-school facilities na ginagamit na evacuation centers sa lungsod.
Matatandaan na nauna na ring nanawagan ito ng karagdagang tulong mula sa national government dahil sa kapos na ang kanilang Quick Response Fund (QRF) para sa mga evacuees na nanunuluyan pa rin sa mga evacuation center.