Aminado ngayon ang Siquijor Police Provincial Office na nananatiling hamon sa kanila ang pagkakaroon ng kakulangan sa mga tauhan ng pulisya sa isla.
Ito ang naging kasagutan ni PLt Col. Rolan Aliser, ang Deputy Provincial Director for Operations ng Siquijor Police Provincial Office sa pagtatanong ng Star Fm Cebu.
Ayon kay Aliser, sa kasalukuyan ay mayroong 410 PNP personnel sa lalawigan o nasa 1:200 police to population ratio ngunit hindi naman umano nasa field ang lahat ng tauhan.
Aniya, ang standard na ratio dati ay nasa 1:500 pa umano ngunit kung ilalagay ito sa kasalukuyang sitwasyon ay mahihirapan na umano sila dahil malaki ang areang sakop para sa isang pulis lamang.
Iginiit pa niya na naging perennial problem na ang kakulangan ng PNP personnel hindi lamang sa lalawigan kundi maging ang ibang lugar.
Kaya naman bagama’t kulang, nag multi-tasking na umano ang kanilang mga tauhan kung saan kadalasan ay nasa labas ang mga ito para macomply ang public service pagdating sa peace and order at binigyan lang ng ilang oras na trabaho sa opisina.
Sa kabila nito, nananatili naman umanong mapayapa ang overall peace and order situation sa lalawigan at isang lugar na magandang puntahan at ligtas pasyalan ng mga bisita.