-- Advertisements --

Umapela ngayon ng karagdagang tulong mula sa national government ang lokal na pamahalaan ng Canlaon City para sa mga evacuees na una nang naapektuhan ng pag-aalburuto ng bulkang Kanlaon.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Edna Lhou Masicampo, Public Information Officer ng Canlaon City, inihayag nito na ubos na ang pondo ng lokal na pamahalaan para sa Quick Response Fund (QRF) at ngayon ay umaasa na lamang sa mga donasyon mula sa pribadong sektor at indibidwal.

Aminado pa si Masicampo na malaking hamon ngayon ng local na pamahalaan ang finances.

“Sa ngayon, exhausted na ang Quick Response Fund. So we are relying more on the donations na binigay ng private sectors and private individuals, ” saad pa ni Masicampo.

Aniya, noong may sapat pang pondo ang local na pamahalaan, nagbibigay sila ng foodpacks para sa almusal ng mga evacuees habang sila naman ang sumagot sa pananghalian at hapunan sa pamamagitan ng community kitchen.

Ngunit dahil pa sa kakulangan ng pondo, food packs na ang pangunahing pinagkukunan ng pagkain ng mga evacuees para sa tatlong beses na pagkain sa isang araw.

“Before, nung enough pa yung fundings nila, foodpacks yung breakfast ng mga evacuees. Kami ang nagshoulder ng lunch and dinner. So, we give them ingredients for their meals in community kitchen,” dagdag pa nito.

Nagpapasalamat din ito sa mga kalapit na mga lgus na nagbibigay ng tulong sa kanila at bukas naman umano ito sa anumang donasyon mula sa mga may mabuting kalooban.

Samantala, umaasa naman ito na makatatanggap na sila ng agarang tugon mula sa pambansang pamahalaan para sa kanilang kahilingan.

Sa kasalukuyan, mayroong kabuuang 750 na pamilya o katumbas ng 2,450 na indibidwal ang nanunuluyan sa mga evacuation centers.