-- Advertisements --

Maagang pinaghahandaan ng Philippine National Police (PNP) ang nalalapit na ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa ngayong buwan ng Hulyo.

Sa isang pulong balitaan sa Kampo ay kinumpirma mismo ni PNP Chief PGen. Nicolas Torre III na mayroon nang mga inisyal na dayalogo sa pagitan ng Pambansang Pulisya at ng mga katuwang na ahensya, kabilang na ang Office of the Sergeant-at-Arms ng Kamara de Representantes para sa pagtalakay ng seguridad sa darating na SONA.

Bagamat hindi muna nagbigay ang hepe ng eksaktong bilang kung ilang mga kapulisan ang itatalaga sa mismong araw ng SONA ay tiniyak naman ni Torre na prayoridad nila sa araw na iyon ang kapayapan at kaligtasan ng publiko at maging ng mga dadalo.

Ani Torre, layon nito na tiyaking magiging maayos ang latag ng seguridad saan Batasang Pambansa kung saan gaganapin ang ikaapat na SONA ng Pangulo.

Samantala ayon pa sa hepe, kahit sa mga nagdaang SONA marami pa ring isyu na kakaharapin ang kanilang hanay kahit pa sila ay may sinusundang template para sa naturang event.

Ito ay kaugnay pa rin sa mga isyung politikal partikular na sa usaing impeachment ni Vice President Sara Duterte na siyang maaaring makaapekto sa daloy ng magiging programa sa araw na iyon.

Tiniyak naman ni Torre na ang mga ganitong klase ng sitwasyon ay patuloy na nilang minomonitor, inaantabayan at kasama rin sa kanilang paghahanda.

Samantala, ayon naman sa National Capital Region Police Office (NCRPO), magtatalaga sila ng hindi bababa sa 21,000 ng kapukisan sa araw ng SONA ng Pangulo mula sa iba’t ibang distrito ng Kamaynilaan.

Hindi pa aniya kabilang dito ang contingent o additional forces na maaaring ipadala mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at Bureau of Fire Protection (BFP).