Inilipat na sa mga sheltered tents ang nasa mahigit 2,000 internally displaced persons (IDPs) ng Canlaon City para bigyang-daan ang pagbubukas ng pasukan na nagsisimula kahapon, Hunyo 16.
Una na kasing ginamit ang mga paaralan bilang evacuation center ng mga naapektuhan ng pag-aalburuto ng bulkang Kanlaon.
Sa ekslusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Edna Lhou Masicampo, Public Information Officer ng Canlaon City, sinabi nito na nagdonate ng 300 tents ang Office of Civil Defense (OCD) para ma-accommodate ang mga IDPs sa anim na paaralan na ginamit bilang evacuation centers.
Kinabibilangan ang mga ito ng Jose B. Cardenas Memorial High School Main Campus, Villa Iowa Elementary School, Pula Elementary School, Malaiba Elementary School, Masulog Elementary School, at Masulog High School.
Iniulat pa nito na nasa 760 pamilya na may 2,450 indibidwal ang nasa loob ng mga evacuation center.
Sinabi pa ni Masicampo na ang mga sheltered tents ay matatagpuan sa loob ng campus ngunit pagtitiyak nitong hindi naman makakaabala sa mga klase.
Bagama’t nasa loob lamang ng campus ang mga tents, mayroon naman umanong mga designated area para sa mga IDP kung saan maaari silang pupunta at mayroon pang nakalagay na cordon na nagbabawal sa pagpasok sa mga lugar kung saan gaganapin ang klase.
Aniya, bago pa man ini-install ang mga tent ay nilagyan ng mga kanal ang mga gilid upang maiwasan ang pagpasok ng tubig sakaling umulan.
Samantala, umalis na rin ang iilan sa mga evacuees at nakitira sa kanilang mga kamag-anak dahil walang sinuman ang pinapayagang bumalik sa kanilang mga tahanan sa loob ng 6km permanent danger zone.
Dagdag pa nito, pinapayagan namang bumisita sa kanilang mga sakahan at tahanan ang mga evacuees upang suriin ang kanilang mga pananim at alagang hayop mula alas-6 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.