Reading Time: 1 minute
Cebu City map

CEBU CITY – Naaresto na ang isang lalaking guro matapos na nakita sa loob ng isang lodging house kasama ang 17-anyos na estudyante nito sa lungsod ng Cebu.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Captain Armando Labora, hepe ng Parian Police Station, sinabi nito na humingi sa kanila ng assistance ang ama ng biktima matapos daw na nagbanta ang 24-anyos na guro na ibabagsak ang anak nito sa English subject kung hindi gagawin ang kanyang gusto.

Ayon kay Capt. Labora, agad nilang isinagawa ang operasyon at naaktuhan mismo ng mga otoridad ang sekswal na ginagawa ng dalawa.

Sa kabila nito, mahigpit na pinabulaanan ng suspek ang pangyayari.

Inihayag ng hepe na base sa statement ng guro, nagpapamasahe lang diumano ito sa kanyang estudyante dahil sa kanyang nararamdamang “stress” at walang naganap na pagtatalik.

Ngunit inamin ng menor de edad na may “nangyari” sa kanila ng kanyang guro, bagay na napilitan lamang siyang gawin dahil umano sa pagbabanta na ibabagsak ito sa klase.

Nakakulong na ang guro sa Parian Police Station lockup cell at kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 7877 o Anti-Sexual Harassment Act in relation to RA 7610 o Anti-Child Abuse Law.