BAGUIO CITY – Arestado ang isang senior citizen at ikalimang most wanted person ng lalawigan ng Kalinga matapos ang matagal at ilang taon nitong pagtatago mula sa batas.

Kinilala ni Col. Job Russel Balaquit, provincial Director ng Kalinga Police Provincial Office ang nasabing senior citizen na si Cipriano Rumbawa Alviar alyas ‘Rhay’, 62-anyos, may asawa at residente ng Dipdipio, Kasibu, Nueva Vizcaya.

Nahuli si Alviar sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Marcelino Wacas ng Regional Trial Court Branch 25, 2nd Judicial Region Bulanao, Tabuk City, Kalinga noon pang March 8, 2016.

Isinilbi ng nagsamang pwersa ng mga unit ng Kalinga Police Provincial Office, Police Regional Office Cordillera at Nueva Vizcaya Police Provincial Office ang warrant of arrest ni Alviar.

Napag-alaman na nahaharap si Alviar sa limang bilang ng kasong panggagahasa na walang piyansa.

-- Advertisement --

Si Alviar ay nabibilang sa ika-limang sa ten most wanted person ng provincial level ng Kalinga sa third quarter ng 2019.

Sa ngayon nakakulong na ito sa Tabuk District Jail sa Bulanao, Tabuk City, Kalinga.