Inamin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagkamali ang kanilang traffic enforcer na nasa video na kumalat sa internet matapos nitong sitahin ang isang pribadong pick-up truck dahil umano sa kawalan ng “Not for Hire” na signage.
Sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na bagaman may paglabag ang motorista, ito ay hindi dahil sa kawalan ng “Not for Hire” signage ngunit dahil sa posibleng paggamit ng pribadong sasakyan bilang colorum. Ito ang hindi naipaliwanag nang maayos ng enforcer.
Dagdag pa ni Artes, magsasampa ang ahensya ng kaukulang kaso laban sa naturang enforcer na maaaring humantong sa kanyang agarang pagkakatanggal sa serbisyo.
Kaugnay pa nito, nilinaw ng MMDA sa publiko na hindi kinakailangang lagyan ng “Not for Hire” na signage ang mga pribadong sasakyan.
Ayon sa ahensya, ang mga sasakyang ginagamit lamang para sa personal na lakad o sa paghahatid ng sariling produkto ay hindi ipinagbabawal at hindi rin kailangan ng naturang signage.
Dagdag pa ng MMDA, kung gagamitin ang sasakyan bilang pangrenta o pampasahero nang walang tamang prangkisa mula sa LTFRB, ito ay maaaring ituring na colorum.