-- Advertisements --

Muling naglabas ng General Flood Advisory ang state weather bureau ngayong Martes, July 8, dahil sa malawakang pag-ulan.

Ito ay sa kabila ng paghupa ng habagat at tuluyang paglayo ng bagyong Bising.

Batay sa abiso ng weather bureau ngayong araw, posibleng ulanin ang CAR (Cordillera Administrative Region), Region 1 (Ilocos Region), Region 2 (Cagayan Valley), Region 3 (Central Luzon), Region 9 (Zamboanga Peninsula), at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ayon sa weather bureau, maaaring magpatuloy ng ilang oras ang pag-ulan sa mga naturang lugar, at magdulot ng mga pagbaha, lalo na sa mga mababang lugar.

Samantala, batay pa rin sa report na inilabas ng weather bureau, nananatiling nagpapakawala ng tubig ang dalawang dam sa Luzon dahil sa patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig ng mga ito.

Nagpapakawala ng kabuuang 93 cubic meters per second (CMS) ang Ambuklao Dam, habang kabuuang 51 cms naman ang pinapakawalan ng Binga Dam.

Sa nakalipas na 24 oras, apat na malalaking dam sa buong bansa ang nagrehistro ng pagtaas ng antas ng tubig.