Nalubog sa tubig-baha ang aabot hanggang 67 barangay sa lalawigan ng Pampanga dala ng pinagsamang epekto ng nagdaang bagyong Nando at kasalukuyang nananalasa sa bansa na Severe Tropical Storm Opong.
Base sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) nitong Huwebes, umabot na sa mahigit 40,000 pamilya o mahigit 120,000 indibidwal ang na-displace dahil sa mga pagbaha.
Maliban sa epekto ng mga nagdaan at kasalukuyang bagyo, nakapagpalala din sa baha ang high tide at epekto ng habagat.
Ayon sa ahensiya, pinakamaraming bilang ng mga na-displace na residente ay sa bayan ng Masantol kung saan nasa mahigit 24,000 pamilya na ang apektado mula sa 26 na barangay.
Gayundin sa munisipalidad ng Macabebe kung saan libu-libong pamilya na rin ang na-displace mula sa 17 barangay.
Ayon sa PDRRMO, umabot sa limang talampakan ang baha sa ilang mabababang komunidad.
Sinuspendi naman na ang mga klase sa pampubliko at pribadong paaralan dahil sa kalamidad gayundin ang pasok sa tanggapan ng gobyerno sa Macabebe.