Nagbabanta ang malawakang pagbaha sa Northern Luzon dahil sa inaasahang pag-ulan na maaaring idulot ng bagyong Uwan, oras na makalapit na ito sa kalupaan ng bansa.
Ayon kay Romeo Ganal Jr., head ng PAGASA Northern Luzon posibleng magbagsak ng malaking bulto ng ulan ang naturang bagyo, sa mga kabundukan ng Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley.
Dahil dito, maaari aniyang dadaloy ang mga naturang pag-ulan sa mga komunidad sa dalawang nabanggit na rehiyon, na magdudulot ng pag-apaw ng tubig.
Sa pagtaya ng weather bureau, maaaring bumagsak ang mahigit 200 millimeters (mm) ng ulan sa Hilagang Luzon, pero hindi rin inaalis ang posibilidad na tataas pa ito sa 300 MM hanggang 400 MM.
Dahil dito, mas mainam aniyang maaga ang paglikas sa mga residente, lalo na ang mga madalas bahain.
Ayon pa kay Ganal, mataas din ang banta ng storm surge sa eastern seaboard, na labis na mapanganib para sa mga manlalayag at mangingisda.
Posible aniyang umabot ito hanggang sa Ilocos Region, kahit ito ay nasa northwestern seaboard na ng bansa.
















