Sugatan ang apat na katao matapos ang pagbagsak ng isang Cessna 172 plane sa Iba, Zambales.
Nangyari ang insidente nitonga 8:57 ng umaga ng Biyernes, Hulyo 11, sa kabukiran ng Purok 4, Sitio Corocan , Barangay Lipay-Dingin-Panibutan.
Kinilala ang mga biktima na sina flight instructor Capt. Jacques Robert Papio at mga student pilots nito na sina Angelo Josh Quinsayas , Kisses Nunez Althea at Jericho Bernardo Palma.
Sinabi ni P/Brig. Gen. Jason Capoy, Director ng PNP Aviation Security Group, na ang eroplano ay pag-aari ng Skyaero Trade na nakabase sa Zambales.
Base sa imbestigasyon ng mga otoridad, nag-take off ang eroplano ng 8:57 ng umaga at bumagsak ito ng 9:30 ng umaga.
Dinala naman sa Ramon Magsaysay Hospital ang mga sugatang biktima at sila ay nasa mabuting kalagayan na.
Tiniyak naman ni CAAP Director General Raul Del Rosario na magsasagawa agad sila ng mga masusing imbestigasyon ukol sa insidente.