-- Advertisements --

Sinigurado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na may nakahandang 3-Bilyon na pondo at nakaimbak na mga relief goods bilang paghahanda sa mga posibleng sakuna sa buong bansa ngayong taon.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, handa silang tumugon sa mga magiging request ng iba’t-ibang local government units (LGUs) na maaapektuhan ng sakuna.

Dagdag pa niya, mahigit tatlong milyong family food packs ang naka-preposition na sa mga bodega ng kagawaran sa iba’t ibang panig ng bansa, gayundin sa mga bodega ng mga LGUs at pribadong organisasyon.

Ayon pa kay Dumlao, nakapagbigay na rin ng tulong ang ahensya sa mga apektadong residente, lalo na sa Benguet at Ilocos Sur kasunod ng bagyong Bising.

Samantala, nilinaw ng departamento na ang lahat ng tulong na ipinapamahagi ay hindi pinipili kung kanino ibibigay tuwing may kalamidad—lahat ng naapektuhan ay saklaw ng kanilang ayuda.

Binigyang-diin ni Dumlao na mandato ng ahensya na walang sinuman ang dapat maiwan sa panahon ng sakuna, anuman ang kanilang kalagayan. Hindi namimili ang mga social worker kung sino ang tutulungan—mapa-evacuation center man sila o nasa labas nito.

Dagdag pa niya, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kagawaran sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak na lahat ng nasalanta ay mabibigyan ng kinakailangang suporta.