-- Advertisements --

BUTUAN CITY – BUTUAN CITY – Inaasahang madadagdagan pa ngayong araw ang 473 na mga pasahero at 146 na mga rolling cargoes ang stranded kagabi sa Port of Surigao City matapos suspendihin ng Coast Guard Station Surigao del Norte ang biyahe sa mga sasakyang pandagat simula pa kahapon ng alas-onse ng umaga.

Ito’y upang maiwasan ang anumang panganib matapos na isina-ilalim sa storm signal number 1 ang Dinagat Islands province pati na ang Surigao del Norte at Sur.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Coast Guard Station Surigao del Norte Commander Ensign Roy Christopher Orillaneda na ngayong umaga ay nagbibigay sila ng agahan, snacks at posibleng pananghalian kung hindi pa rin papayagang makapaglayag ang mga sasakyang pandagat maliban sa mga roll-on roll-off o ro-ro vessels.

Nakikipag-ugnayan na rin sila sa local government unit at sa mga concerned government-line agencies upang maalagaan ang mga standed na pasahero.