-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Science and Technology (DOST) noong Lunes na handa silang tumulong sa anumang talakayan o pagsusuri tungkol sa posibilidad ng paggamit ng nuclear energy sa bansa.

Sa isang pulong balitaan sa 2026 Regional Science and Technology Week sa Ilocos Region, sinabi ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. na kailangan ng malinaw na patakaran upang matiyak ang kaligtasan sa paggamit ng nuclear energy.

Kasunod ‘yan ng plano nang ilang local government units (LGUs) na magtayo ng nuclear power plants bilang alternatibong pinagkukunan ng enerhiya.

“At some point, we need to be looking at the use of nuclear energy for power as we strive to be a developed country. We need more power, which is cheaper. And so, as long as we follow the procedures in selecting the site and looking at the technology that will be used, the purpose is always to decide for safety,” ani Solidum.

Dagdag pa niya, ang unang hakbang ay dapat masuri para sa mga posibleng panganib at risk assessment sa lugar. Binanggit din niya na ang pagsusuri sa panganib ay maaaring magbago habang umuunlad ang teknolohiya.

Tinukoy ni Solidum ang Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM), na itinatag noong Setyembre 2025 sa bisa ng Republic Act 12305 o ang Philippine National Nuclear Energy Safety Act.

Ang PhilATOM ang magiging independent body na mag-o-oversee sa regulasyon ng nuclear energy at hiwalay sa DOST. Ang bagong ahensya ay tutulong upang ma-realign ng DOST ang kanilang mga pagsisikap sa pag-aaral kung paano mapapakinabangan ang nuclear energy para sa publiko.

Noong unang bahagi ng taon, sinabi ng Department of Energy (DOE) na isinaalang-alang nila ang ilang lugar bilang posibleng host ng nuclear power plant, kabilang ang Bataan at Labrador sa Pangasinan.