Naka-heightened alert na simula kahapon, Enero 14, ang Coast Guard District Central Visayas bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Tropical Depression Ada.
Kaugnay nito, naka-standby ang mga Quick Response Team at inatasan ang lahat ng Coast Guard units na tiyakin ang kahandaan ng kanilang mga tauhan, kagamitan at sasakyang-pandagat.
Kanselado na rin ang ilang biyaheng pandagat mula Cebu at Bohol patungong Eastern Visayas at Surigao o yaong mga lugar na nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal.
Kabilang sa mga kanseladong biyahe ang mga ruta mula Port of Ubay papuntang Bato at Hilongos sa Leyte, Maya Port patungong Calbayog, at Cebu patungong Calbayog at Surigao.
Samantala, sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Mark Gales, Weather Specialist ng PAGASA Visayas,sinabi nito na malayo sa Cebu ang sentro ng Bagyong Ada, ngunit inaasahan ang maulang panahon sa Sabado at malalakas na hangin sa northern Cebu.
Sinabi pa ni Gales na sa Central Cebu naman, inaasahan ang maulap na kalangitan at hindi gaanong malakas na hangin.
Dagdag pa niya na posible umanong isailalim sa Signal No. 1 ang northern Cebu sa mga susunod na araw, habang mababa naman ang tsansa na mapasailalim dito ang Central Cebu.















