Patuloy na binabantayan ng mga otoridad ang galaw ng bagyong Ada habang isinasagawa ang final assessment sa lagay ng panahon para sa fluvial procession na gaganapin bukas, Enero 17 para sa 461st Fiesta Señor.
Una nang nagbigay ng clearance ang Philippine Coast Guard para ituloy ang fluvial procession.
Gayunman, nilinaw ng mga opisyal na maaari pa rin itong kanselahin kung sakaling itaas ang Signal Number 1.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Mark Gales, Weather Specialist ng PAGASA Visayas, sinabi nito na asahan ang pagbuti ng kondisyon ng panahon sa araw ng Sabado.
Sinabi pa ni Gales na posibleng isalalim sa Signal No. 1 ang northern Cebu ngunit maliit naman ang tsansa na ipasailalim dito ang Central Cebu.
Aniya, hindi rin inaasahan ang malalaking alon sa Mactan Channel, bagama’t patuloy na mino-monitor ang anumang pagbabago sa direksyon ng bagyo.
Samantala, para sa Linggo o araw ng selebrasyon ng Sinulog, sinabi ni Gales na inaasahan ang generally fair weather sa Metro Cebu.
Posibleng maranasan ang mainit at maalinsangan na panahon, na may mababang tsansa ng pag-ulan.
Pinapayuhan naman nito ang publiko, lalo na ang mga dadalo sa Sinulog activities, na magdala ng payong at sumbrero, umiwas sa matagal na pagkabilad sa araw, at uminom ng sapat na tubig upang maiwasan ang heat-related illnesses.
















