-- Advertisements --

Kinilala ni Akbayan Rep. Chel Diokno ang mabilis na aksyon ng PAGCOR sa pag-utos ng pagtanggal ng lahat ng billboard at outdoor ads na may kaugnayan sa online gambling.

Ayon kay Diokno, ito ay tagumpay para sa House Bill No. 1351 o Kontra E-Sugal Bill, na layuning protektahan ang publiko mula sa negatibong epekto ng e-gambling.

Hinimok din niya ang PAGCOR na palawigin ang kautusan upang isama ang mga gambling ads sa social media, na may malawak na impluwensya lalo na sa kabataan.

Binigyang-diin ng mambabatas ang pangangailangang ipatupad ang iba pang probisyon ng panukalang batas habang hinihintay ang pormal na pagpasa nito sa Kongreso.

Ang Kontra E-Sugal Bill ay isinulong ng Akbayan Reform bloc upang limitahan ang promosyon ng e-gambling at itaguyod ang responsableng paggamit ng teknolohiya.

Kasabay nito, nagsimula na rin ang PAGCOR na bumuo ng bagong guidelines para sa ads, kabilang ang pagbabawal sa mga ito malapit sa paaralan, simbahan, at ospital.