-- Advertisements --

Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa publiko na ipanalangin ang kalusugan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, at suportahan ang resolusyon sa Senado na humihiling ng agarang repatriation nito mula sa The Hague.

Sa emosyonal na panayam, ibinahagi ni Go ang kwento ng bunsong anak ni Duterte, si Kitty Duterte, tungkol sa lumalalang kondisyon ng dating pangulo. Sobrang payat na aniya ng pangulo at buto’t balat na rin ito.

Giit niya, hindi karapat-dapat si Duterte na tumanda sa ibang bansa.

Ayon pa kay Go, wala nang access si Duterte sa kanyang mga doktor sa Pilipinas. Aniya, matanda na si Duterte, marami na siyang iniindang sakit.

Kinumpirma rin ni Go na co-author siya ng resolusyong inihain sa Senado kasama sina Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at Sen. Robin Padilla, na humihiling sa agarang pagpapauwi ni Duterte mula sa piitan sa The Hague.