-- Advertisements --

Plano ng legal counsel ni dating Pang. Rodrigo Duterte na gamitin ang resulta ng Senate committee hearing na dating pinangunahan ni Sen. Imee Marcos.

Ito ay upang igiit na ang naging pag-aresto sa dating pangulo hanggang sa tuluyang pagdala sa kaniya sa Netherlands ay hindi makatarungan.

Ayon kay Nicholas Kauffman, ang finding ng naturang committee ay nagpapakita na ang pag-aresto sa dating pangulo ay dahil sa political motive. Ipinapakita aniya nito na ang naging operasyon ay isang ‘whole-of-government’ effort para madapain ang mga Duterte.

Muling iginiit ng abogado na ang ang pag-aresto at pagdala sa dating pangulo sa The Hague ay isang uri ng kidnapping, bagay na lumabas din aniya sa Senate investigation na pinangunahan ng presidential sister.

Una nang ikinatwiran ni International Criminal Court (ICC) Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang na kung iginigiit ng kampo ng dating pangulo na siya ay ‘na-kidnap’ noong dinala siya sa ICC, mas mahalagang manatili siya sa kostudiya ng naturang tribunal.

Katwiran ng prosecutor, hindi pipiliin ng isang biktima ng kidnapping na muling bumalik sa kostudiya ng mga nangidnap sa kaniya kung mabigyan siya ng pagkakataong makatakas.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Kaufman na ang kaniyang claim ukol sa kidnapping ay nakabatay lamang sa committee report na inilabas ni Sen. Marcos, kasunod ng ilang serye ng imbestigasyon.

Inihalimbawa rin ng abogado ang conclusion ng naturang report kung saan pinakakasuhan ng senadora sa Office of the Ombudsman ang ilang matataas na opisyal ng gobierno na umano’y may kaalaman sa nangyaring pag-aresto.