-- Advertisements --

Nagsagawa ng rally ang mga miyembro ng Duterte Panagutin Europe at iba pang grupo na nananawagan para sa tuluyang pagkakakulong ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang kasamahan na umano’y responsable sa malawakang patayan noong madugong drug war.

Pinangunahan ng grupo ang kilos-protesta sa labas ng International Criminal court (ICC), tangan ang mga tarpaulin na may nakasulat na mga panawagan.

Kabilang sa mga ito ang pagpapanagot kay FPRRD, paninindigan para sa hustisya ng mga biktima ng drug war, agarang hustisya para sa kanilang mga pamilya, at iba pang kahalintulad na panawagan.

Nagsagawa rin ng maikling programa ang mga grupo kung saan kanilang ipinagdiin na hindi dapat nababalewala ang karapatang pantao ng bawat mamamayan.

Ngayong araw, inaasahang magsasagawa muli ang grupo ng maikling programa malapit sa ICC headquarters bilang pagpapakita ng suporta sa mga biktima ng umano’y extrajudicial killings na naganap sa nakalipas na administrasyon.

Ilan sa mga pamilya ng mga biktima ay naunang bumiyahe upang personal na dumalo sa pagdinig laban sa dating pangulo.