-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Syento Porsiyento nang handa ang Aklan Police Provincial Office (APPO) para sa pagdaraos ng pulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Isla ng Boracay mula Disyembre 10 hanggang 13 ng kasalukuyang taon.

Ayon kay P/Capt. Aubrey Ayon, tagapagsalita ng Aklan PPO, nakatakda ang send-off ceremony para sa deployment sa Disyembre 7 bago ang pagdating ng nasa 200 delegado mula sa iba’t ibang miyembrong estado ng ASEAN.

Sa 1,500 na pulis ang ipapakalat upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga delegado, mahigit sa 500 ang augmentation forces mula sa provincial police offices sa Western Visayas, kung saan, itatalaga ang mga ito sa Caticlan at isla ng Boracay.

Mahigpit pa rin umanong ipatutupad ang one entry, one exit policy sa Boracay gaya ng nakasanayan na babantayan ng Philippine Coast Guard at Maritime police.

Samantala, sinabi pa ni Ayon na walang bahagi ng isla ang ilalagay sa restricted access kahit na may gaganaping high-level meeting.

Ang apat na araw na pagtitipon ay isa sa lamang sa ilang kaganapan ng Asean events na gaganapin sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang Manila, Cebu, Bohol, Laoag, Iloilo, Tagaytay, at Clark.

Nabatid na noong Nobyembre 26, nakibahagi ang PRO-6 sa Department of the Interior and Local Government Region 6 sa Inter-Agency Coordinating Conference para sa ASEAN Senior Economic Officials Meeting Retreat 2026.

Ang Asean 2026 ay may temang “Navigating Our Future, Together,” kung saan ang Pilipinas ang tatayong tagapangulo.