Natanggap na ng Senate impeachment court ngayong Miyerkules, June 25, ang ipinadala ng House prosecution panel na dalawang pleadings.
Ang dalawang pleadings ay isinumite ni House Records Management Service Dir. Billy Uy ngunit hindi pa ito ang tugon ng prosekusyon sa answer ad cautelam o sagot ni Vice President Sara Duterte sa inisyu na writ of summons sa kanya.
Ang dalawang pleadings ay Manifestation with re-submmission of entry of appearance ng House prosecution team at isang Submission ng sertipikasyon na walang nilabag ang mababang kapulungan sa Saligang Batas partikular sa one-year bar rule sa paghahain ng impeachment case laban kay Duterte.
Hindi pa maidetalye ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. ang nilalaman ng mga pleadings dahil babasahin muna ito at padadalhan muna ng kopya ang mga senator judges.