-- Advertisements --

Iginiit ng isang abogado at kasalukuyang tagapagsalita ng Partido Demokratiko Pilipino o PDP Laban na si Atty. Ferdinand Topacio na hindi na dapat pang ituloy ng Senado ang paglilitis kontra kay Vice President Sara Duterte. 

Sa isang ekslusibong panayam ng Bombo Radyo sa naturang tagapagsalita, kanyang binigyang diin ang kahalagahan sa naging desisyon ng Kataas-taasang Hukuman. 

Naniniwala kasi siyang dapat sundin ng Senado, tumatayo bilang Senate Impeachment Court, ang deklarasyon ng Korte Suprema hinggil sa Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente. 

Matatandaan na nito lamang nakaraan ay idineklara ng Supreme Court na ‘unconstitutional’ ang ipinasang ‘Articles of Impeachment’ ng kamara sa Senado. 

Nakapaloob sa desisyon ng mahistrado, basehan anila rito ang ‘1 year rule’ sa paghahain ng ‘Impeachment Complaint’ at naging paglabag sa ‘rights to due process’ para sa akusadong opisyal. 

Kaya’t ang abogadong si Atty. Ferdinand Topacio ay mariing inihayag ang pagtutol sa posibilidad na ipagpatuloy pa ng Senado ang naturang impeachment proceedings. 

Buhat nito’y maisa pa niyang iginiit na wala ng hurisdiksyon ang Senado na magsagawa pa ng Impeachment Trial kaugnay sa mga kinakaharap na paratang ng ikalawang Pangulo.

‘Aniya’y maituturing na itong ‘functus officio’ o tapos at wala ng hurisdiksyon ang naturang korte na ipagpatuloy pa ang paglilitis kasunod ng maideklarang ‘unconstitutional’ na ang ‘articles of impeachment’. 

“Nagkaroon na po ng desisyon and therefore the Impeachment Court has no choice but to dissolve itself and declare itself as ‘Functus Officio’ because ang ruling po ng Kataastaasang Hukuman ay walang hurisdiksyon, walang jurisdiction ang Impeachment Court sa impeachment complaint,” ani Atty. Ferdinand Topacio ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP-Laban).