-- Advertisements --

Pormal na dumulog sa Kataastaasang Hukuman ang koalisyon ng 1SAMBAYAN upang dinggin nito ang kanilang hiling na mapigilan ang Senado na gumawa ng anumang panibagong aksyon hinggil sa Impeachment.

Sa consolidated motion na inihain ng grupo sa Korte Suprema, nakapaloob rito ang kanilang Motion to Intervene kasama ang ‘Attached Omnibus Motion for Reconsideration, Status Quo Ante Order at Motion for Oral Arguments’.

Nais kasi ng grupo na maghinay-hinay muna ang Senado, tumatayo bilang Senate Impeachment Court na gumawa ito ng panibagong aksyon o hakbang patungkol sa Impeachment na kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.

Kaya’t ang naturang koalisyon, sa pamamagitan ng kanilang isinumiteng ‘consolidated motion’, hiling nila sa Korte Suprema na mag-isyu ito ng ‘Status Quo Ante order’.

Ayon kay Atty. Howard Calleja, Co-Convenor ng 1SAMBAYAN coalition, dapat pa munang suriin o muling balikan ng Korte Suprema ang naging desisyon nito patungkol sa Impeachment.

Aniya’y kanilang rerespetuhin naman ang magiging pagbabago o kung sakaling baguhin ng Kataastaasang Hukuman ang nauna nitong deklarasyon.

“Kasama po sa ating petisyon, sa aming prayer na sana po magkaroon ng ‘status quo ante’. Ibig sabihin na parang hinayhinay na muna… Pag-aralan, suriin ng mabuti,” ani Atty. Howard Calleja, Co-Convenor ng 1SAMBAYAN coalition.

Bunsod nito’y kanyang panawagan sa Senado na huwag agaran itong magdesisyon o gumawa ng panibagong hakbang patungkol sa Impeachment.

Giit pa ni Atty. Howard Calleja, kung nais igalang na Senado ang desisyon ng Supreme Court, dapat aniya’y respetuhin nito ang proseso na sinusunod o mandato ng Konstitusyon.

Kanyang sinabi na hintayin muna ng Senado ang magiging desisyon ng Korte Suprema hinggil sa inihaing ‘Motion for Reconsideration’ ng Kamara bago ipagpatuloy o gumawa muli ng panibagong hakbang.

“Kung gusto nilang galangin ang Korte Suprema, galangin din nila ang proseso, at sa paggalang ng proseso ay medyo sabi ko nga ay status quo na muna… ang proseso ay hindi pa tapos,” ani Atty. Howard Calleja, Co-Convenor ng 1SAMBAYAN coalition.

Maaalala na noong nakaraang buwan ng Hulyo ay idineklara ng Korte Suprema ang ‘articles of impeachment’ ng Kamara bilang ‘unconstitutional’.