Tinawag ni dating Senator at kasalukuyang Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima na labag sa batas ang second order ng Senate impeachment court sa prosecution panel ng Kamara de Representantes.
Nanindigan si De Lima, na isa sa napipisil na maidagdag sa House prosecution panel sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, na hindi dapat hilingin o magdemand ang Senado mula sa Kamara kaugnay sa impeachment case dahil nagawa na ng Mababang Kapulungan ang papel nito kayat marapat lamang aniya na umpisahan na ang paglilitis.
Saad pa ng mambabatas na dapat maging maingat ang Kamara sa magiging susunod na hakbang nito kaugnay sa impeachment.
Nauna na ngang hiniling ng Senate impeachment court sa House prosecution panel na magsumite ng resolution na nagraratipika sa mga aksiyong ginawa ng House of Representatives sa ilalim ng 19th Congress hinggil sa impeachment complaint laban sa Bise Presidente.
Dapat din na aprubahan ito ng Mababang Kapulungan ng 20th Congress.
Ayon naman kay House prosecutor at Iloilo Rep. Lorenz Defensor, hindi pa nila napagusapan bilang buong kinatawan ng 20th Congress ang hinggil sa ikalawang order ng Senado subalit dapat aniya nilang sundin ang anumang utos mula sa impeachment court.
Sa kabila nito, nakahanda na aniya sila sa prosecution panel na ipresenta ang mga ebidensiya sa impeachment case laban kay VP Sara at inaantay na lamang ang pagsisimula ng proseso ng impeachment pre-trial sa Senado.