-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) sa unang pagkakataon ang napaulat na inihain umanong graft charges sa Ombudsman laban kay Sec. Ted Herbosa at 5 iba pang opisyal ng ahensiya sa House plenary deliberation sa 2026 proposed budget ng DOH.

Ito ay may kaugnayan sa umano’y kwestyonableng alokasyon ng DOH ng mental health medicines na malapit na umanong mag-expire, na inilaan para sa Rotary Club ng Quezon City Circle. Nagkakahalaga umano ang naturang mga gamot ng higit pa sa napaulat na P44.6 million, base sa binasang news article ni Mamamayang Liberal (ML) Party List Rep. Leila de Lima.

Naungkat ito sa naging interpelasyon ni Rep. de Lima kay House Committee on Appropriations Senior Vice-chairperson Rep. Albert Garcia, na tumayong budget sponsor ng DOH.

Ayon kay Rep. Garcia, wala pang natatanggap na official communication ang DOH sa Ombudsman kaugnay sa umano’y reklamo.

Pinakumpirma din ni De Lima kung nagpadala nga ang DOH sa naturang private organization ng mental health medicines.

Subalit, ayon kay Rep. Garcia, walang alam dito ang kalihim at wala ding ibinibigay ang ahensiya sa anumang non-government organization o civic group.

Tinanong din ni Rep. De Lima si Rep. Garcia kaugnay sa iniutos ng DOH central office na sub-allotment ng mahigit ₱1 million halaga ng mental health drugs para sa National Center for Mental Health.

Ayon kay De Lima, itinanggi ng naturang ospital ang paghingi ng nasabing alokasyon at nadiskubre ding malapit na magpaso ang naturang nga gamot.

Kinuwestyon din Rep. De Lima kung sino kaya ang nagpapadala ng naturang mga medisina at kung may nagsasabotahe sa DOH?

Matatandaan, tinaasan ng Kongreso ng 3.2% ang panukalang pondo ng Department of Health para sa 2026, mula ₱918.79 bilyon tungo sa ₱948.07 bilyon matapos i-realign ang flood control funds ng DPWH.

Sa pondo, ₱26.73 bilyon ang inilaan para sa health assistance ng mahihirap at ₱2.4 bilyon para sa pagkumpleto ng mga pangunahing ospital sa buong bansa. Inayos din ng mga mambabatas ang subsidy sa PhilHealth sa ₱60 bilyon, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibalik ang bahagi ng pondong binawas noong nakaraang taon.