-- Advertisements --

Ipinababasura ni Senador Rodante Marcoleta, sa pamamagitan ng isang mosyon, ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa kanyang privilege speech sa plenaryo ng Senado, iginiit nitong nagsalita na ang Korte Suprema na unconstitutional ang articles of impeachment laban sa Bise Presidente.

Ayon pa sa senador, wala na ring saysay kung hihintayin pa ang motion for reconsideration na inihain ng Kamara sa articles of impeachment laban kay Duterte dahil “immediately executory” ang desisyon ng Korte Suprema.

Paliwanag niya, dahil unanimous ang pasya ng mga mahistrado na unconstitutional ang impeachment case laban sa Pangalawang Pangulo, malabong may isang mahistrado na babawi sa kanyang desisyon.

Giit niya, kapag sinabi ng Korte Suprema na “void ab initio” at “unconstitutional,” pati pinto at bintana, aniya, ay isinara na para sa kahit anong apela.

Samantala, tinututulan naman ni Senate Minority Leader Tito Sotto ang mosyon ni Marcoleta dahil mayroon pang nakabinbin na motion for reconsideration ang Kamara.

Giit nito, bagamat immediately executory aniya ang desisyon ng Supreme Court, hindi pa ito final.

Dapat muna rin aniyang pag-isipan ang hakbang ng Senado bago magdesisyon.

Paano daw maibabasura ang impeachment case kung wala naman daw sa Senado ang kaso?

Dagdag nito, batay daw sa kanyang pananaliksik, ang pagbaliktad ng desisyon ng Korte ay hindi imposible.

Iminungkahi naman ni Senadora Risa Hontiveros na dapat munang magtipon o mag-convene ang Senado bilang impeachment court bago magpasya kung itutuloy o hindi ang impeachment case laban kay Duterte.

Binigyang-diin ng minority senator na ang mga usapin kaugnay ng impeachment case ay nasa hurisdiksiyon ng Impeachment Court.