-- Advertisements --

Patuloy na umaasa si Senador Ping Lacson na igagalang ng mga senador ang magiging final ruling ng Korte Suprema kaugnay ng motion for reconsideration ng Kamara hinggil sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ipinunto ni Lacson na karamihan sa kanyang mga kasamahan na bumoto pabor sa pag-archive ng impeachment complaint ang mismong nagsabing dapat galangin ang desisyon ng Supreme Court.

Paliwanag niya, ito ang dahilan kung bakit siya nag-abstain sa botohan—dahil ang kanyang paninindigan ay igalang at huwag suwayin ang July 25 ruling ng Korte Suprema. 

Ayaw rin niyang ma-preempt ang magiging pinal na desisyon lalo’t may nakabinbing motion for reconsideration.

Dagdag pa ng senador, kung bumoto siya noon, posibleng ma-preempt ang final ruling ng Kataas-taasang Hukuman. 

Aniya, nag-utos pa ang Korte Suprema sa kampo ni Duterte na magkomento sa motion for reconsideration, imbes na maglabas agad ng minute resolution na nagbabasura nito.

Giit ni Lacson, mas mainam sana kung hindi muna umakto ang Senado sa unang ruling ng Korte Suprema, kahit ito ay immediately executory, lalo na’t may nakabinbing motion for reconsideration.

Sa ngayon, maaaring sabihing “patay” na ang impeachment complaint, ngunit maaari pa rin itong buhayin dahil puwede pa itong ilabas mula sa archives—bagay na magdudulot ng panibagong debate at botohan.