Nagbabala si incoming Sen. Panfilo Lacson sa mga kapwa senador laban sa posibleng pagpapadismiss sa impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte.
Binigyang-diin ng batikang senador na ang paghahain ng mosyon para i-dismiss ang kaso laban sa pangalawang pangulo ay mali at hindi nararapat.
Para kay Lacson, hindi maaaring magmosyon ang isang senador na ipa-dismiss ang kaso dahil siya ay isang judge. Hindi pa aniya nangyayari na ang isang husgado ang nagrekomenda mismo na ipa-dismiss ang kaso.
Ang tungkulin aniya ng Senado bilang isang impeachment court ay dingin at magbigay ng desisyon sa reklamo habang ang pagbibigay-mosyon para i-dismiss ang kaso ay dapat manggaling lamang sa defense panel.
Iginiit pa ng batikang senador na magiging katawa-tawa ang impeachment court kung sakaling mangyari na habang dinidinig ang kaso ay bigla na lamang mag-mosyon ang isang senator-judge at irekomendang i-dismiss na ang kaso, sabay palo ng gavel.
Sa kasalukuyan, nakahanda na umano ang senador na pakinggan ang mga iprepresentang ebidensya mula sa panig ng prosecution at defense upang matukoy kung may pagkakasala o wala ang pangalawang pangulo.
Muli ay iginiit ni Lacson na ang pangangailangang pakinggan ang ebidensiyang iprepresenta ng prosecution sa impeachment court kaugnay sa mga ibinibintang sa pangalawang pangulo.
Ito aniya ay salig sa mga itinatakda ng saligang batas, na dapat laging nangingibabaw at sinusunod.