Binigyang diin ng Korte Suprema na walang hurisdiksyon ang Senado para magsagawa pa ng ‘impeachment proceeding’ upang isailalim sa paglilitis si Vice President Sara Duterte.
Kung saan hindi na maaring ipagpatuloy o mag-convene ang mataas na kapulungan ng kongreso para magsilbing ‘Senate Impeach Court’
Ito mismo ang inihayag ni Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting kasunod ng maideklarang ‘unconstitutional’ ang ‘articles of impeachment’ na isinampa ng Kamara.
Aniya’y wala ng hurisdiksyon ang Senado para ito’y ipagpatuloy pa sapagkat naipawalang bisa na ang ‘impeach complaint’ at idineklara pang hindi naayon sa batas.
Kaya’t dahil dito, naging hati at iba-iba ang reaksyon ng publiko sa deklarasyong inisyu ng Kataastaasang Hukuman hinggil sa ikalawang pangulo.
Sa isang eklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Roberto ‘Ka Dodo’y Ballon, isang mangingisda, kanyang panawagan na matuloy pa rin ang impeachment trial ng Senado.
Naniniwala kasi siyang dapat malitis si Vice President Sara Duterte upang malaman ang katotohan at maipakita sa publiko ang ‘transparency’ sa pagsasagawa ng paghatol.
Ngunit ayon naman sa nakapanayam nating guro sa Araling Panlipunan na si Lee Ryezen, kailangan pa munang aniya mapag-aralang mabuti ang desisyon ng Korte.
Kaya’t kanyang hihintayin na lamang raw muna kung ano ang magiging hakbang o mangyayari pa sa mga susunod na araw.
Habang ang tagapagsalita ng Partido Demokratiko Pilipino na si Atty. Ferdinand Topacio, ay lubos na ikinatuwa ang naturang resolusyon.
Aniya’y simula pa lamang ay naninindigan na silang ‘unconstitutional’ ang ‘articles of impeachment’ kaya’t kanilang ikinalugod ang deklarasyon ng Korte.