-- Advertisements --

Hihintayin ng Department of Justice ang resolusyon ng Kataas-taasang Hukuman ukol sa mga petisyon may kinalaman sa kaso ni former President Rodrigo Duterte bago aksyunan ang ‘arrest warrant’ mula International Criminal Court kung sakali man.

Ito ang binigyang linaw ng Justice Department ukol sa isyu ng implementasyon ng warrant laban sa mga kasabwat ng dating pangulo sa pagpapatupad ng ‘war on drugs’.

Ayon mismo kay Atty. Polo Martinez, spokesperson ng kagawaran, maigi na hintayin na lamang ito bago gumawa man ng aksyon o hakbang.

Aminado aniya siya na maraming dapat ikunsidera katulad ng kung anong nakasaad sa batas, kanyang binanggit ang Republic Act No. 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity.

Sa ilalim kasi ng naturang batas, partikular sa Section 17 nito, sinasabing maaaring i-suko o i-extradite ng awtoridad ang mga suspek o akusado sa International Court.

Ngunit nakalagay din na ito’y kung ang International Tribunal ay nagsasagawa na ng imbestigasyon sa krimen.

Gayunpaman, mariing pinaninindigan pa rin ng justice department na hintayin ang ilalabas na desisyon at interpretasyon ng Korte Suprema sa saligang batas.

Magugunitang naghain ng ‘petition for certiorari and prohibition’ ang kampo ng mga Duterte upang kwestyunin ang legalidad sa pag-aresto at pagpapadala sa dating pangulo tungo The Hague, Netherlands.

Ito’y kasalukuyang may ‘pending status’ o nakabinbin pa rin sa Kataas-taasang Hukuman.

Pagtitiyak ng Department of Justice na kikilalanin nito ang magiging desisyon ng Korte Suprema at sinegurong susundin ang anumang ipag-uutos nito.

Subalit sa kabila nito, bagama’t ikinukunsidera ang ilalabas na desisyon ng Korte Suprema, ayon kay Justice Spokesperson Martinez, isinasaalang din nila pati ang pagiging miyembro ng bansa sa INTERPOL o International Criminal Police Organization.

Sa dokumentong inilabas ng International Tribunal, pinangalanan nito ang mga co-perpetrators ni former President Duterte sa implementasyon ng War on Drugs.

Kabilang rito sina Sen. Bong Go, Sen. Bato Dela Rosa, former Justice Secretary Vitaliano Aguirre II at iba pa.