Dismayado ang liderato ng Senado sa pagkaka-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa SIM Card Registration law na una nang naipasa sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Matatandaang noong 2021 pa ito naaprubahan sa Kamara at kalaunan sa Senado, habang naratipikahan naman noong Pebrero 2, 2022.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, mistulang pabor pa sa panig ng masasamang loob ang pagkakabasura ng kanilang ipinasang panukala.
“Ayos! Tuloy ang mga bombings and blackmail and scams using prepaid sims,” wika ni Sotto.
Maging ang ibang mambabatas ay nanghihinayang din sa nasabing bill.
Pero una nang sinabi ng Malacañang na kaya na-veto ang panukala dahil naniniwala si Pangulong Duterte na kailangan pa ng mas malawak na pag-aaral hinggil dito.
Kasama kasi ang social meda sa paghihigpit na ito, bagay na nananatiling malabo, lalo’t walang angkop na guidelines at definitions ng mga nakapaloob sa proposed SIM Card Registration law.