Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagsama ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ng administrasyong Marcos, na aniya’y isang patunay ng hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapabuti ang buhay ng mga tinaguriang makabagong bayani ng bansa.
Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag matapos ianunsyo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na kasama na ang mga OFW sa socialized housing program sa ilalim ng pinalawak na 4PH, anuman ang kanilang buwanang kita.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling ang pagkakasama ng mga OFW sa programa ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawakin ang saklaw ng pangunahing housing initiative ng pamahalaan upang mas maraming Pilipino ang makinabang lalo na ang mga nagtitiis magtrabaho sa ibang bansa para maitaguyod ang kanilang mga pamilya.
Ayon sa Pag-IBIG Fund Circular No. 473, kwalipikadong mag-apply para sa pabahay sa ilalim ng 4PH ang mga OFW basta’t sila ay aktibong miyembro ng Pag-IBIG, first-time homebuyer, at hindi hihigit sa 65 taong gulang sa oras ng aplikasyon. Kailangang matiyak din na sila ay insurable hanggang sa matapos ang termino ng loan, na hindi dapat lumampas sa edad na 70.
Sinabi ni Speaker Romualdez na ang pagsasama ng OFWs sa 4PH ay isang malaking hakbang para gawing mas inklusibo at abot-kaya ang mga socialized housing program ng bansa, lalo na para sa mga pamilyang nasa mababa at gitnang antas ng kita.
Hinikayat din niya ang DHSUD na patuloy na palawakin at pagbutihin ang saklaw at benepisyo ng 4PH upang matugunan ang housing backlog ng bansa, na tinatayang tataas mula 6.5 milyon ngayon hanggang 22 milyon pagsapit ng 2040.
Tiniyak din ng mambabataas kay Pangulong Marcos ang buong suporta ng pamunuan ng Kamara para paglikha ng batas at badyet na magpapalawak sa oportunidad ng homeownership para sa mas maraming Pilipino.