Iginiit ng Malacañang na hindi taktika para ilihis ang atensiyon ng publiko kaugnay ng pagkakadawit nina Senador Ronald dela Rosa at Senador Bong Go bilang mga umano’y “co-perpetrators” sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Ito ang tugon ni Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro sa pahayag ng PDP-Laban na umano’y ginagamit ng administrasyon ang isyu upang ilihis ang atensyon mula sa mga alegasyon ng korapsyon.
Ayon kay Castro, matagal nang nakabinbin ang kaso sa ICC at naisampa ito bago pa man maging pangulo si Ferdinand Marcos Jr.
Wala rin aniya umanong impluwensiya ang kasalukuyang gobyerno sa ICC kaya hindi dapat isisi sa administrasyon ang anumang findings ng korte.
Binanggit din ni Castro ang naunang pahayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na mayroon umanong ulat hinggil sa mga maling nangyari sa kampanya kontra droga, at hinikayat ang media na hingin dito ang detalye ng naturang report.
















