-- Advertisements --

Bumuwelta ang Malacañang sa ginawang pagdepensa ni Vice President Sara Duterte sa palagiang pagbiyahe nito sa ibang bansa.

Ito ay matapos na sabihin ng Bise Presidente na karamihan umano ng mga Filipino communities na kaniyang napuntahan ay nadidismaya na sa kalagayan ng bansa.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, na tiyak na madidismaya ang mga Pinoy sa ibang bansa dahil sa abala ang Pangulo ng bansa sa pagtatrabaho at pag-ayos ng mga problema ng bansa.

Habang ang Pangalawang pangulo ay madalas ang pabiyahe nito sa ibang bansa.

Dagdag pa ni Castro, na hindi kasagutan ang biyahe sa ibang bansa para maresolba ang mga problema.

Hindi rin aniya trabaho ng Bise Presidente na bumiyahe at lalong wala sa konstitusyon na dapat ito ay magbiyahe para siraan ang pangulo.

Magugunitang inihayag ni VP Duterte na kaya ito bumabiyahe sa ibang bansa ay dahil sa maraming mga Filipino sa ibang bansa ang nadidismaya na kalagayan ng bansa at kaniyang binibisita ang ama nito na si ex-President Rodrigo Duterte.