-- Advertisements --

Pinaiimbestigahan na ni Senador Robinhood Padilla ang napaulat na isang staff niya ang nahuli umanong gumagamit ng marijuana habang nasa palikuran.

Ayon kay Atty. Rudolf Philip Jurado, chief of staff ni Padilla, naghihintay pa sila ng incident report at written explanation mula sa Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) kaugnay sa nasabing empleyado.

Nilinaw rin niya na hindi siya pinatawag ng OSAA, kundi kusa siyang nagpunta roon upang kumpirmahin kung ang kanilang opisina ang tinutukoy sa nasabing insidente at upang kumuha ng kopya ng incident report.

Ito ay dahil nagsasagawa na rin ang kanilang tanggapan ng sariling imbestigasyon kaugnay sa isyu.

Ayon kay Sergeant-at-Arms Aplasca, patuloy pa ang kanilang imbestigasyon at kapag natapos ito ay magsusumite sila ng ulat kay Senate President Chiz Escudero.

Patuloy rin ang isinasagawang random drug test sa mga empleyado at staff ng Senado.