Muling binigyang-diin ng Malacañang na hindi kinakailangang palitan si Chinese Ambassador Jing Quan sa gitna ng mga panawagang ideklarang persona non grata ang opisyal.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nauna nang sinabi ng Pangulo na hindi kailangan ang naturang hakbang.
Ito ay kasunod ng pahayag ng Chinese Embassy na ang umiigting na political rhetoric laban sa ambassador at ang panawagang palitan ito ay maaaring magbanta sa milyun-milyong trabaho ng mga Pilipino.
Iginiit ng Palasyo na ang pag-escalate ng tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China ay hindi dapat nagmumula sa isang panig lamang.
Binigyang-diin nito na ang pagpapanatili ng maayos at malusog na dayalogo ay responsibilidad ng dalawang bansa at dapat nakabatay sa mutual respect.
















