-- Advertisements --

Pinangunahan ni House Speaker Faustino Bojie Dy III ang huling pagpupugay ng Kamara kay dating Speaker Jose de Venecia Jr ang nag-iisang mambabatas sa kasaysayan na limang beses nahalal bilang pinuno ng Mababang Kapulungan.

Sa necrological service na ginanap sa plenaryo, dumalo ang mga dating Speaker at iba pang pambansang lider bilang pagkilala sa malawak na impluwensiya ni De Venecia sa iba’t ibang administrasyon. Pumanaw siya noong Pebrero 10 sa edad na 89.

Tinawag ni Dy na “Tito Joe” ang dating lider at inilarawan itong huwaran ng marangal at disiplinadong pamumuno. 

Aniya, sa ilalim ng pamumuno ni De Venecia sa ika-9, 10, 12, 13 at 14 na Kongreso, naisulong ang mahahalagang repormang pang-ekonomiya at mga batas na patuloy na humuhubog sa direksiyon ng bansa.

Kabilang sa mga binigyang-diin sa House Resolution No. 758 ang papel ni De Venecia sa pagbuo ng “Rainbow Coalition” na sumuporta kay dating Pangulong Fidel Ramos at sa pagpasa ng mahigit 200 batas, kabilang ang Build-Operate-Transfer Law at iba pang repormang pangkaunlaran.

Nagpahayag din ng pakikiramay at pagpupugay ang ilang kasalukuyan at dating opisyal ng pamahalaan, pati na mga dayuhang dignitaryo, bilang pagkilala sa ambag ni De Venecia sa diplomasya at kooperasyong pandaigdig.

Ayon kay Dy, nag-iwan si De Venecia ng isang Kamara na pinatatag ng karanasan at isang pamantayan ng statesmanship na nakabatay sa pagkakaisa at paggalang.