Suportado ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang isinusulong na reporma sa party-list system, na layong ibalik ang tunay na representasyon ng marginalized sectors, lalo na ng mga manggagawang Pilipino.
Ginawa ni Speaker Dy ang pahayag sa ika-50 anibersaryo ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na ginanap sa Quezon City.
Binigyang-diin ni Dy na dapat gumana nang tama ang mga mekanismong nakalaan para sa kapakanan ng mga manggagawa.
Bahagi aniya ito ng direksyong inilatag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pulong ng LEDAC para palakasin ang demokrasya sa bansa.
Kabilang sa mga isinusulong na reporma ang pag-ayos ng party-list system kasabay ng Anti-Political Dynasty Bill, Independent People’s Commission Act, at CADENA Act. Ayon kay Dy, lumalakas ang panawagan para sa pagbabago dahil lumalayo na umano ang sistema sa tunay nitong layunin na bigyang boses ang mga nasa laylayan.
Tinukoy din niya ang mahalagang papel ng TUCP bilang haligi ng party-list system at paalala kung bakit kailangan ang reporma.
Hinimok ng Speaker ang TUCP at iba pang labor groups na aktibong makilahok sa pagtalakay sa panukala upang matiyak na ang bagong sistema ay tunay na magsisilbi sa mga manggagawang Pilipino.
















